Naimpeksiyong Kagat o Tibo ng Insekto
Kapag natibo ka ng isang insekto, nagtuturok ito ng venom. Kapag nakagat ka ng isang insekto, hindi ito nagtuturok ng lason. Maaaring magdulot ng lokal na reaksyon ang mga tibo at kagat. O maaaring magdulot ang mga ito ng reaksyong nakaaapekto sa iyong buong katawan. Maaaring maimpeksyon ang mga kagat at tibo. Kabilang sa mga senyales ng impeksiyon ang pamumula, pag-init, pananakit, pamumulang gumuguhit paitaas ng braso, pagtagas ng nana, at pamamaga. Kakailanganin ng impeksiyon ng paggamot gamit ang mga antibayotiko at dapat na bumuti sa loob ng susunod na 10 araw. Ngunit kung minsan bumubuo ito ng kumpol ng nana (abscess) na kailangang buksan ng tagapangalaga ng kalusugan para mailabas ang nana.
Pangangalaga sa tahanan
Makatutulong ang mga sumusunod sa pangangalaga mo sa iyong kagat o tibo sa bahay:
-
Kung nasa balat mo pa rin ang tibo, kakailanganin itong alisin. Huwag gumamit ng tiyani na maaaring magtulak ng mas maraming lason sa balat. Marahang kayurin ang tibo mula sa gilid gamit ang isang matigas na bagay, tulad ng gilid ng credit card. Mapaluluwag nito ang tibo at aalisin ito mula sa iyong balat. Hugasan ang bahagi gamit ang sabon at tubig.
-
Kung problema ang pangangati, makatutulong ang paglalagay ng mga ice pack sa bahagi ng tibo. Maaari kang gumawa ng sarili mong ice pack sa pamamagitan ng paglalagay ng mga piraso ng yelo sa isang bag na naisasara at ibalot ito sa isang tuwalya. Huwag direktang ilagay ang yelo sa iyong balat dahil maaari nitong mapinsala ang balat. Ilagay ang ice pack sa loob ng 5 hanggang 10 minuto.
-
Hugasan ang bahagi gamit ang sabon at tubig nang hindi bababa sa 3 beses sa isang araw. Pahiran ng topical antibiotic cream o ointment.
-
Maaari kang gumamit ng antihistamine na nabibili nang walang reseta maliban kung bigyan ka ng inireresetang antihistamine ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Maaari kang gumamit ng mga antihistamine para bawasan ang pangangati kung malalaking bahagi ng balat ang apektado. Gumamit ng mas mabababang dosis sa araw at mas matataas na dosis sa oras ng pagtulog dahil nakapagpapaantok ang gamot na ito. Huwag gumamit ng antihistamine kung ikaw ay may glaucoma o kung hirap ka sa pag-ihi dahil sa lumaking prostate. Hindi gaanong nakapagpapaantok ang ilang antihistamine at mainam na gamitin ang mga ito sa araw.
-
Kung nagreseta ng mga oral antibiotic, tiyaking inumin ang mga ito ayon sa itinagubilin hanggang maubos ang mga ito.
-
Maaari kang gumamit ng gamot para sa pananakit na nabibili nang walang reseta upang makontrol ang pananakit, maliban kung may ibang iniresetang gamot para sa pananakit. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gumamit ng acetaminophen o ibuprofen kung ikaw ay may pangmatagalang sakit sa atay o kidney. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung nagkaroon ka ng ulser sa sikmura o pagdurugo ng panunaw.
 |
Balutin ang pinanggagalingan ng lamig sa manipis na tuwalya bago ito gamitin. |
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo kung hindi ka bumubuti sa susunod na 2 araw o kung lumulubha ang iyong mga sintomas.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kapag nangyari ang alinman sa mga ito:
-
Pamamaga ng mukha, mga talukap, bibig, lalamunan, o dila
-
Hirap sa paglunok o paghinga
-
Paninikip ng dibdib
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Kumakalat na pamumula o pamamaga
-
Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o katulad ng itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan
-
Lumalalang pananakit, pamumula, pamamaga o pagtagas
-
Pananakit ng ulo, lagnat, ginaw, pananakit ng kalamnan o kasukasuan, o pagsusuka
-
Bagong pantal
Online Medical Reviewer:
Eric Perez MD
Online Medical Reviewer:
Jessica Gotwals RN BSN MPH
Online Medical Reviewer:
Paula Goode RN BSN MSN
Date Last Reviewed:
6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.