Search Results
Search Clinical Content Search Health Library
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

COVID-19

Ang COVID-19 ay isang sakit na nagdudulot ng impeksiyon sa mga baga. Maaaring marinig mo itong tinatawag na COVID o sakit na dulot ng coronavirus 2019. Sanhi ito ng isang uri ng coronavirus. Tinatawag ang virus na SARS-CoV-2. May maraming uri ng mga coronavirus. Karaniwang sanhi ang mga ito ng sipon at brongkitis. Maaaring maging sanhi ang mga ito ng impeksiyon sa baga na tinatawag na pulmonya. Ang mga sintomas ay maaaring mula sa banayad hanggang sa malubha. Ang ilang tao ay walang sintomas. Matatagpuan din ang mga uri ng mga virus na ito sa ilang hayop.

Palaging nagbabago (nagmu-mutate) ang mga virus. Humahantong ang mga pagbabago sa iba't-ibang anyo ng isang virus. Tinatawag ang mga ito na mga variant. Maaaring mas mabilis maikalat ang mga variant ng COVID-19 mula sa isang tao patungo sa ibang tao. Maaaring magdulot ang mga ito ng mas banayad na mga sintomas. O maaaring magdulot ang mga ito ng mas matitinding sintomas. 

Madaling kumalat ang virus at mahawa ang mga tao. Mas madali nitong mahawa ang isang tao kung hindi siya immune dito. Pinakamadalas kumalat ang virus sa pamamagitan ng mga patak ng likido ng taong umubo o bumahing sa hangin. Sa ilang kaso, makukuha mo ito mula sa paghawak ng ibabaw na may virus at pagkatapos ay paghawak sa iyong mga mata, ilong, o bibig.

Babaeng naghuhugas ng mga kamay sa lababo.
Upang tumulong na maiwasan ang pagkalat ng impeksyon, hugasan nang madalas ang iyong mga kamay, o gumamit ng hand sanitizer na may alkohol.

Upang matuto nang higit pa

Para sa pinakabago mula sa CDC:

Ano-ano ang mga sintomas ng COVID-19?

Ang ilang tao ay walang sintomas. May banayad na sintomas ang ilan. Maaaring may malubhang sintomas ang iba. Nag-iiba-iba ito sa bawat tao. Maaaring magsimula ang mga sintomas 2 hanggang 14 na araw matapos ang kontak sa virus. Maaaring kabilang sa mga ito ang:

  • Lagnat

  • Ginaw

  • Pag-ubo

  • Hirap sa paghinga o pakiramdam na nangangapos ang hininga

  • Pamamaga ng lalamunan

  • Baradong ilong o tumutulong sipon

  • Pananakit ng ulo

  • Mga pananakit ng kalamnan

  • Pagkapagod

  • Pagkahilo, pagduduwal, pagtatae, o pananakit ng tiyan

  • Bagong pagkawala ng pang-amoy o panlasa

Ano-ano ang mga posibleng komplikasyon ng COVID-19?

Maaaring magdulot ang virus ng impeksiyon sa mga baga. Ito ay tinatawag na pulmonya. Maaari itong humantong sa kamatayan sa ilang kaso. Pinag-aaralan pa ng mga eksperto ang tungkol sa mga problema sa COVID-19. Maaaring kasama sa mga problema ang:

  • Mababang presyon ng dugo

  • Pagpalya ng bato

  • Pamamaga ng utak o puso

  • Pamamantal

Nasa mas mataas na panganib na magkaproblema ang ilang tao. Kasama rito ang:

  • Mga mas nakatatanda

  • Mga taong may sakit sa puso o sakit sa baga

  • Mga taong may diabetes o sakit sa bato (kidney)

  • Mga taong may kalagayan ng kalusugan na pumipigil sa sistema ng imyunidad

  • Mga taong umiinom ng mga gamot na pumipigil sa sistema ng imyunidad

Bihirang mangyayari na magkaroon ng malubhang komplikasyon ang isang bata. Tinatawag itong multisystem inflammatory syndrome sa mga bata (MIS-C). Maikukumpara ang MIS-C sa Kawasaki disease. Isa itong pambihirang sakit. Nagdudulot ito ng pamamaga ng mga daluyan ng dugo at mga organ ng katawan. Maaari ding mangyari ang MIS sa mga nasa hustong gulang. Ngunit ito ay hindi gaanong karaniwan.  

Paano nada-diagnose ang COVID-19?

Itatanong ng iyong tagapangalaga ng kalusugan:

  • Kung ano-anong sintomas ang mayroon ka

  • Kung nagkaroon ka kamakailan ng malapitang kontak sa isang tao na kilalang nagkaroon ng COVID-19

  • Kung saan ka nakatira

  • Kung nagbiyahe ka kamakailan

  • Kung nagkaroon ka ng kontak sa mga may sakit na tao

  • Kung nabakunahan ka na laban sa COVID-19

  • Kung nagkaroon ka na ng COVID-19

Maaaring mayroon ka ng isa sa mga pagsusuring ito para sa COVID-19:

  • Pagsusuri sa virus (molekula). Maaaring naririnig mo rin itong tinatawag na PCR o RT-PCR test. Napakatumpak ang mga pagsusuri sa virus. Ang isang pagsusuri sa virus ay naghahanap ng henetikong materyal (RNA) ng virus na SARS-CoV-2. May ilang paraan sa paggawa nito. Maaaring ikuskos sa loob ng iyong ilong o lalamunan ang swab. O maaaring ilagay ang isang mahabang swab sa loob ng iyong ilong hanggang sa likod ng iyong lalamunan. O maaaring kumuha ng sampol ng iyong laway. Maaaring makuha ang mga resulta ng pagsusuri sa loob ng 45 minuto hanggang ilang oras. Depende ito sa uri ng pagsusuri. Dapat ipadala sa laboratoryo ang ilang pagsusuri. Maaaring tumagal ng ilang araw bago lumabas ang mga resulta nito. Maaari ka nang kumuha ngayon ng mga test kit na gagamitin sa bahay. Kailangan ng reseta para sa ilan sa mga ito. Kung gumagamit ka ng home kit, sunding mabuti ang mga tagubilin na nasa kit. Ipinakikita ng ilang kit nang mabilisan ang mga resulta sa bahay. Ang iba ay dapat ipadala sa laboratoryo para sa mga resulta.

  • Pagsusuri sa antigen. Maaari itong makahanap ng mga protina mula sa virus na SARS-CoV-2. Maaaring ikuskos sa loob ng iyong ilong o lalamunan ang swab. O maaaring ilagay ang isang mahabang swab sa loob ng iyong ilong hanggang sa likod ng iyong lalamunan. Nakukuha ang ilang resulta sa loob ng 15 hanggang 60 minuto. Depende ito sa uri ng pagsusuri. Napakatumpak ang mga positibong resulta. Ngunit maaaring mangyari ang false positive na resulta. At maaaring maging negatibo ang mga resulta kahit sa mga taong may COVID-19. Mas malamang na magmintis sa impeksyon ng COVID-19 ang mga pagsusuri sa antigen kaysa sa pagsusuri sa virus (molekular). Kung negatibo ang iyong antigen test ngunit mayroon kang mga sintomas ng COVID-19, maaaring kailanganin mo ang pagsusuri sa virus.

  • Pagsusuri ng hininga. Hindi malawakan ang paggamit ng rapid test na ito sa ngayon. Tinitingnan nito kung may impeksiyon ng SARS-CoV-2 sa hininga. Ginagawa ang pagsusuri sa mga opisina ng tagapangalaga ng kalusugan, ospital, at mga lugar ng mobile testing.

Kung sa palagay o nakumpirma ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na may COVID-19 ka, maaaring magkaroon ka ng iba pang pagsusuri. Maaaring kabilang sa mga pagsusuring ito ang:

  • Pagsusuri ng dugong antibody. Maaaring ipakita ng ganitong pagsusuri kung ikaw ay nagkaroon na dati ng virus. Ipinapakita nito ang antibodies para sa virus na nasa dugo. Iba-iba ang katumpakan ng mga pagsusuring ito. At hindi pa available sa lahat ng lugar ang mga ito. Maaaring hindi maipakita ng antibody test kung mayroon kang impeksiyon ngayon mismo. Dahil maaaring tumagal ng ilang linggo para gumawa ng antibodies ang iyong katawan. Wala sa mga antibody test ang pwede nang gamitin para malaman kung ang isang tao ay immune sa virus.

  • Pagkultura ng dura (Sputum culture). Kung mayroon kang basang ubo, maaaring hilingin sa iyo na umubo para makakuha ng kaunting plema (sputum) mula sa iyong mga baga. Sinusuri ito para sa virus. Maaari itong suriin para sa pulmonya.

  • Mga imaging test. Maaari kang magkaroon ng X-ray ng dibdib o CT scan.

Maaari ka bang magkaroon muli ng COVID-19?

Oo, maaari kang magkaroon ng COVID-19 nang higit pa sa isang beses. Maaaring hindi ka magkaroon ng imyunidad. Maaaring nawala na ang iyong imyunidad. O maaari mong makuha ang COVID-19 mula sa ibang strain (variant) ng virus na hindi ka immune. Pero tumutulong ang bakuna laban sa COVID-19 na mapababa ang panganib ng COVID-19.

Mga bakuna para sa COVID-19

Ipinapayo ng FDA at CDC ang mga bakuna para sa COVID-19 na ini-update nang 2023-2024 para sa mga taong 6 na buwan at mas matanda upang mabigyan ng proteksyon laban sa COVID-19. Ang mga bakunag ito ay Pfizer-BioNTech, Moderna, o Novavax. Maaari ding mabawasan ng mga bakuna kung gaano katindi ang sakit kung sakaling magkaroon ka pa rin ng COVID-19. Maaaring mapanatili ng mga bakuna na hindi mo kailanganin ang pagpapaospital. At napipigilan ng mga ito ang pagkalat ng virus sa ibang tao. Walang 100% epektibong bakuna sa paghadlang sa sakit. Ngunit mahalaga ang pagpapabakuna. Pinapayuhan ding magpabakuna ang mga buntis o nagpapasuso.

Ibinibigay ang mga bakuna laban sa COVID-19 bilang isang turok (iniksyon) sa kalamnan. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong bakuna ang pinakamahusay para sa iyo at sa iyong mahal sa buhay.

Paano ginagamot ang COVID-19?

Ang mga pinakamabuting paggamot sa ngayon ay yaong tutulungan ang iyong katawan habang nilalabanan nito ang virus. Tinatawag itong sumusuportang pangangalaga. Kasama nito ang:

  • Magpahinga. Tumutulong ito sa iyong katawan na labanan ang sakit.

  • Mga likido. Subukang uminom ng 6 hanggang 8 basong likido araw-araw. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung ano-anong inumin ang pinakamahusay para sa iyo. Huwag uminom ng mga inumin na may caffeine o alkohol.

  • Gamot na nabibili nang walang reseta (over-the-counter, OTC). Ginagamit ang mga ito para makatulong na maibsan ang kirot at mapababa ang lagnat. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong gamot na OTC ang ligtas na gamitin mo.

Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang kumpirmadong COVID-19. Maaaring kuwalipikado ka para sa mga gamot na aprubado ng FDA para maiwasan ang malalang impeksyong ng COVID-19.

Maaaring kailanganin mong manatili sa ospital para sa malubhang sakit. Maaaring kabilang sa pangangalaga sa iyo ang:

  • Mga IV fluid. Itinuturok ang mga ito sa ugat. Tinutulungan nito na palitan ang mga likido sa iyong katawan.

  • Oxygen. Maaaring bigyan ka ng ekstrang oxygen. O maaari kang lagyan ng makina upang makahinga (ventilator). Ginagawa ito upang makakuha ka ng sapat na oxygen sa iyong katawan.

  • Posisyon na nakadapa sa kama. Maaaring regular na idapa at ihiga ka ng iyong team na tagapangalaga ng kalusugan. Tinatawag itong posisyon na padapa. Nakatutulong ito na dumami ang oxygen na naipapasok mo sa iyong mga baga. Sundin ang kanilang mga tagubilin sa mga pagbabago ng posisyon habang nasa ospital ka at nasa bahay.

  • Antiviral na mga gamot. Pinipigil ng mga antiviral ang pagkalat sa katawan ng SARS-CoV-2 virus. Inaprubahan ng FDA ang ilang antiviral na mga gamot para gamutin ang banayad hanggang katamtamang COVID-19 sa mga taong mas malamang na magkasakit nang malubha. Hindi available ang mga paggamot na ito para sa lahat. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga upang malaman ang higit pa.

  • Mga steroid o iba pang mga gamot na anti-inflamatory. Ginagamit ang mga ito para mabawasan ang pamamaga na mayroon ang ilang taong may COVID-19. Ang pamamaga ay pwedeng magresulta sa higit pang problema sa paghinga. Maaari itong maging sanhi ng iba pang komplikasyon o pagkamatay.

  • Mga monoclonal antibody. Dating ginagamit ang mga ito para sa mas maagang strain ng COVID-19, pero hindi mabisa ang paggamot na monoclonal antibody para sa pinakabagong variant. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga upang malaman ang higit pa.

  • COVID-19 convalescent plasma. Ang plasma ang likidong bahagi ng dugo. Maaaring hilingin sa mga taong nagkaroon na ng COVID-19 na magbigay ng plasma. Tinatawag itong COVID-19 convalescent plasma. Ang plasma ay maaaring nagtataglay ng mga antibody. Ang ilang taong may COVID-19 na may napakahinang resistensya ay maaaring makinabang mula sa paggamot na ito. Matutulungan ka ng iyong tagapangalaga na magpasya kung tama ito para sa iyo.

Nanganganib ka ba para sa COVID-19?

Ikaw ay nanganganib para sa COVID-19 kung naaangkop ang alinman sa mga ito sa iyo:

  • Nakatira ka o nagbiyahe sa isang lugar na may mga kaso ng COVID-19

  • Nagkaroon ka ng malapitang kontak (sa loob ng 6 na talampakan) sa isang taong nagkaroon ng COVID-19

Maaaring ikalat ang COVID-19 ng mga taong hindi nagpapakita ng mga sintomas.

Petsa nang huling binago: 2/15/2024

© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. All rights reserved. This information is not intended as a substitute for professional medical care. Always follow your healthcare professional's instructions.
Powered by StayWell