Para sa mga Magulang: Pangangalaga sa Diabetes (12 hanggang 17 taon)
Hindi laging madali ang pangangalaga sa diabete sa mga preteens at tinedyer. Maaaring tila napakaraming dapat mong tandaan. Ngunit hindi mo ito kailangang gawin nang mag-isa! Makikipagtulungan ka sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, tagapagturo sa diabetes, dietitian, at iba pang tao para bumuo ng plano ng pamamahala ng diabetes. Dapat mayroon kang plano ng pamamahala ng diabetes na nagtatagubilin sa iyo tungkol sa pangkalahatang plano ng paggamot para sa diabetes ng iyong anak. Dapat kasama rito ang:
-
Kung ano-anong gamot ang iniinom ng iyong anak, paano inumin ang mga ito, at kailan gagamitin ang bawat isa
-
Paano suriin ang mga asukal sa dugo
-
Ano-ano ang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo (hypoglycemia) at paano gagamutin ito
-
Ano-ano ang mga sintomas ng mataas na asukal sa dugo (hyperglycemia) at paano gagamutin ito
-
Paano bibilangin ang mga carbohydrate (mga carb)
-
Ano ang gagawin sa pisikal na aktibidad at sports
-
Ano ang gagawin kung magkaroon ng sipon o trangkaso ang iyong anak, halimbawa
-
Ano ang gagawin sa isang emergency
Siguraduhin din na talakayin ang daycare at paaralan sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak.
Mas dumarami ang mga tinedyer na nagkakaroon ng type 2 diabetes (sa halip na type 1). Malamang na hindi nila kakailanganin ang mga turok na insulin, gayunman, kakailanganin pa rin nilang suriin ang kanilang asukal sa dugo at alamin ang tungkol sa mga pagpipiliang masusustansyang pagkain at ehersisyo. Maaaring kailanganin nilang uminom ng mga gamot, na karamihan ay hindi dapat nagdudulot ng mababang asukal sa dugo.
Pagsusuri ng asukal sa dugo ng iyong anak
Sa edad na ito, maaaring hindi maging madali na mapanatili sa target na saklaw ang asukal sa dugo ng iyong preteen o tinedyer. Dahil ito sa mga hormone na sanhi ng puberty. Kaya huwag mag-alala kung hindi perpekto ang asukal sa dugo ng iyong anak. Hikayatin ang iyong anak na pamahalaan ang ilang responsibilidad para sa mga pagsusuri ng asukal sa dugo habang siya ay tumatanda. Dapat maging handa ang iyong anak na regular na suriin ang asukal sa dugo ayon sa itinuro ng tagapangalaga ng kalusugan. Pinakamainam na gamitin sa pagsusuri ang mga gilid ng mga dulo ng daliri. Kahit na mag-isang nagsusuri ang iyong anak, dapat mong subaybayan ang kanyang mga resulta. Ito lamang ang paraan upang matiyak na nananatili sa malusog na saklaw ang kanyang asukal sa dugo. Maaari kang magsilbing tagasanay ng iyong anak. Upang gawin ito:
-
Maupo kasama ang iyong anak kahit isang beses sa isang linggo upang pag-usapan ang mga numero ng kanyang asukal sa dugo.
-
I-download sa computer ang mga numero sa meter. O suriin ang mga numero sa kanyang log book.
-
Magkasamang talakayin kung nananatili sa target ang asukal sa dugo ng iyong anak.
 |
Umupo at balikan kasama ng iyong anak ang lingguhang resulta ng kaniyang sugar sa dugo. |
Pagsusuri para sa mga ketone
Kung minsan, maaaring kailangan mong suriin ang ihi ng iyong anak para sa mga ketone. Ang mga ketone ay mga kemikal na nagagawa kapag ang taba, sa halip na glucose, ang sinusunog para sa enerhiya (ketosis). Sundin ang mga tagubilin na kasama ng mga strip at mula sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabetes. Kung may mga ketone, palaging tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. Gumagamit din ang ilang tao ng mga glucose at ketone monitor na pambahay para suriin ang dugo para sa ketosis. Magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo tungkol sa diabetes para sa karagdagang impormasyon.
Pamamahala ng mababang asukal sa dugo
Napakahalaga na hindi labis na bumaba ang asukal sa dugo ng iyong anak. Kaya dapat kontrolin mo at ng iyong anak ang kanyang asukal sa dugo hangga't maaari nang hindi ito hinahayaang maging napakababa. Sa paglipas ng panahon, matututunan mo at ng iyong anak kung ano ang normal para sa kanya. Tutulong ito sa inyo pareho na makilalal ang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo. Maaari kang tumulong na suportahan ang iyong anak sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa kung paano siya kumikilos. Maaaring may mababang asukal sa dugo ang iyong anak kung siya ay:
-
Labis na gutom
-
Maputla
-
Napakairitable
-
Namamawis
-
Matamlay (inaantok)
-
Nakatitig sa kalawakan o hindi interesado
-
Nanginginig
-
Nalilito o nahihirapang mag-concentrate
-
Nagrereklamo ng mga problema sa paningin, pananakit ng ulo, o bangungot
-
Walang koordinasyon
-
Nahihilo
Kung naghihinala ka na may mababang asukal sa dugo ang iyong anak, suriin ito kaagad. Kung ang resulta ay mababa sa 70 mg/dL, o isa pang numero na ipinayo ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, kumilos. Gamutin kaagad ang iyong anak gamit ang asukal na mabilis ang bisa gaya ng sinabi sa iyo ng tagapangalaga ng kalusugan. Suriing muli ang asukal sa dugo ng iyong anak sa loob ng 15 minuto para makasiguro na hindi na ito mababa. Kung mababa pa rin ito, bigyan ang iyong anak ng marami pang asukal na mabilis ang bisa. Kung nalilito, hindi tumutugon, walang malay, o nagkukumbulsyon ang iyong anak, maaaring mayroon siyang mababang asukal sa dugo. Gamutin kaagad ang iyong anak ng itinuturok na glucagon. Isa itong substansya na itinataas ang asukal sa dugo ng iyong anak nang napakabilis. Lagi kang magkaroon ng isang emergency kit na may panturok na glucagon. (Tuturuan ka ng team ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung paano magturok ng glucagon.). Itanong sa doktor ng iyong anak ang tungkol sa nasal glucagon. Inaprubahan ito sa mga batang 4 na taong gulang at mas matanda.
Mababang asukal sa dugo: Kailan tatawag sa tagapangalaga ng kalusugan
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, tumawag sa 911, o pumunta sa emergency department ng ospital kung ang iyong anak ay mayroon ng alinman sa mga sumusunod na sintomas. Ang iyong anak:
-
Ay mahirap gisingin o hindi tumutugon
-
Nahihimatay (nahihilo)
-
May asukal sa dugo na mababa sa "mapanganib na numero" na ibinigay sa iyo ng tagapangalaga ng kalusugan
-
Nangangailangan ng glucagon
-
May kumbulsyon
Pamamahala ng mga turok ng iyong anak
Kung mayroong type 2 diabetes ang iyong anak, maaaring hindi na niya kailanganin ang nsulin. Ang mga mayroong type 1 diabetes, gayunpaman, ay kinakailangan ng mga turok ng insulin. Maaaring mag-iba-iba ang dami ng insulin na kailangan ng iyong anak, at kung gaano kadalas ito kinakailangan. Kasama rito ang parehong mabagal ang bisa at mabilis ang bisa na insulin. Palaging kailangan ang basal o background insulin sa type 1 diabetes kumakain man o hindi ang iyong anak. Ina-adjust ang insulin na nakabatay sa pagkain da kung gaano karami ang kinakain ng iyong anak. Maaaring magpakita ng interes ang iyong anak sa pagtuturok ng insulin sa kanyang sarili. Ngunit DAPAT pa ring subaybayan ang lahat ng pagtuturok, sa bahay at paaralan. Iturok ang insulin sa matabang bahagi ng:
Hingin sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na turuan ka kung paano paikutin nang tama ang lugar ng iniksyon at kung paano lumayo mula sa mga lugar ng lipohypertrophy. Ito ay isang bukol sa ilalim ng balat sanhi ng pagtuturok ng insulin sa parehong lugar nang maraming beses. At, itanong ang tungkol sa tamang paraan ng pag-iiniksyon ng insulin at kung paano maiiwasan na iturok ang insulin sa kalamnan. Makakaapekto kung paano nasisipsip ang insulin ng aksidenteng pagtuturok sa kalamnan o sa isang lugar ng lipohypertrophy.
Hayaan ang iyong anak na magpasya kapag handa na siya sa karagdagang responsibilidad. Maaari mong suportahan ang pagsisikap ng iyong anak sa pagkuha ng pangangalaga sa kanyang diabetes. Ngunit maging handa na pamahalaan ang pagtuturok sa iyong anak kung kailangan, tulad ng kapag maysakit ang iyong anak.
Pagkaya sa pagbibigay ng mga turok
Karaniwan sa mga bata na mabalisa sa pagtuturok ng insulin sa simula. Pero karamihang bata ang mag-a-adjust nang mabilis sa pangangalaga sa diabetes. Maaaring magdepende sa kung gaano kakumportable ka nagtuturok kung gaano kabilis na mag-a-adjust ang iyong anak. Sa una, maaaring mayroon ka ng mga sarili mong alalahanin. Kung kinakabahan ka, narito ang ilang bagay na maaaring makatulong:
-
Maaari mong gustuhin na magsanay muna sa sarili mo. Magtanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tungkol sa pagbibigay sa iyong sarili ng iniksyon ng sterile na saline para matutunan kung paano ang pakiramdam ng isang turok.
-
Kung natatakot ka sa mga karayom, maaaring makatulong na mawala ang iyong takot sa paggamit ng isang device sa pag-iiniksyon.
-
Ituring ang mga turok na karaniwang rutina. Tumutulong ito upang mapabilis ang proseso ng pag-a-adjust para sa iyo at sa iyong anak.
Kung nahihirapan ka pa rin, talakayin ang iyong mga alalahanin sa team ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. Maaari silang makatulong sa iyo na mag-adjust.
Pagtulong sa iyong anak na preteen o tinedyer na harapin ang diabetes
Ayaw ng karamihang bata na ituring silang kakaiba kumpara sa kanilang mga kaedad. Maaari itong makasagabal sa pangangalaga sa diabetes, lalo na kapag malayo ang iyong anak sa bahay. Hikayatin ang iyong anak na higit pang pag-aralan ang tungkol sa diabetes at gawin ang mas maraming responsibilidad kapag handa na. Ngunit tandaan na hindi palaging magiging maayos ang mga bagay-bagay. Hindi ibig sabihin nito na nabigo na ang iyong anak sa pamamahala ng diabetes. Dapat mo lang malaman na maaaring kailanganin ng iyong anak ng karagdagang suporta. Kung nahihirapan ang iyong anak na mag-adjust sa buhay na may diabetes, maaaring makatulong ang pagpapayo. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tungkol dito. Habang lumalapit ang iyong anak sa pagtatapos ng kanyang pagiging tinedyer, maaari mong simulang tuklasin, kasama siya, ang mga paraan ng paglipat sa mga tagapangalaga sa adulto. Isali siya sa mga summer camp para sa mga may diabetes. Doon, maaaring magsama-sama ang mga kabataang may diabetes upang ibahagi sa isa’t isa ang mga kasanayan upang makayanan ito.
Pagkain at ang iyong anak
Kakailanganing matutunan ng iyong anak ang tungkol sa mga pagkain na pinakanakakaapekto sa asukal sa dugo. Tandaan ang mga bagay na ito:
-
Tuturuan ka at ang iyong anak ng kanyang tagapangalaga ng kalusugan, nars, o tagapagturo sa diabetes tungkol sa mga carbohydrate. Ang mga carbohydrate ay mga pagkain na nagbibigay sa iyong anak ng enerhiya na kailangan niya para lumaki. Ngunit mas pinatataas at mas pinabibilis ng mga ito ang asukal sa dugo kaysa sa iba pang uri ng mga pagkain. Hindi lahat ng carb ay pareho. Ang mga komplikadong carb, tulad ng nasa mga gulay at buong butil, ay hindi nagpapataas ng mga lebel ng asukal sa dugo kumpara sa naproseso o mga simpleng carb, tulad ng nasa mga candy, cake, at juice. Matututunan mo at ng iyong anak ang tungkol sa “pagbibilang ng carb.” Isa itong paraan upang tulungan kang malaman kung ilang carbohydrate ang kinakain ng iyong anak araw-araw. Tumutulong sa iyo ang pagbibilang ng carb na magpasya kung gaanong insulin ang kailangan ng iyong anak.
-
Kung kinakailangan, maaari mong isulat ang bilang ng carb ng bawat pagkain sa isang pirasong papel. Pagkatapos, ilagay ang papel sa loob ng lunch bag ng iyong anak kapag pumasok siya sa paaralan. Tumutulong ito sa iyong anak at sa mga guro na malaman kung gaano karaming carbohydrate ang kinakain. Tutulong din ito sa iyong anak na matutong iugnay ang mga carbohydrate sa kanyang dosis ng insulin.
-
Tuturuan ka at ang iyong anak ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, nars, o tagapagturo sa diabetes tungkol sa taba at protina. Ang mga pagkaing may mas maraming taba at protina ay maaaring maging sanhi kaagad ng pagbaba ng asukal sa dugo pagkatapos kumain, o pataasin ito kinalaunan kaysa karaniwan. Matututuhan mo at ng iyong anak kung paano ayusin ang dosis ng insulin upang makatulong na mapanatili ang mas matatag na asukal sa dugo depende sa nilalaman ng pagkain.
-
Tandaan na hindi mo maaasahang kumilos ang mga bata na gaya ng mga adulto! Kahit maaaring kailangan na limitahan ang pagkain kung minsan para makontrol ang glucose, walang pagkain na dapat maging "off limits." Kukuha nang palihim ang mga bata ng mga treat, lalo na yaong mga gusto nila. Kaya lutuin ang mga pagkain na gustong kainin ng iyong anak sa kanyang plano ng pagkain. I-adjust ang dosis ng insulin kung kinakailangan. Matututunan ninyo ng iyong anak kung paano i-adjust ang insulin ayon sa kung ano ang kinakain ng iyong anak.
-
Sa edad na ito, maaaring maging sensitibong isyu para sa iyong anak ang pagkain. Kaya dapat mong malaman ang mga problemang makaaapekto sa pamamahala ng asukal sa dugo. Isa sa mga problemang ito ang tinatawag na diabulemia. Nilalaktawan ng mga taong mayr diabulemia ang mga pagtuturok o nagtuturok ng napakakaunting insulin. Ginagawa nila ito upang magbawas ng timbang o makaiwas sa pagdaragdag ng timbang. Mapanganib na kondisyon ang diabulemia. Bantayan ang anumang senyales na nahihirapan ang iyong anak na sundin ang kanyang plano ng pagkain. Kung kinakailangan, makipag-ugnayan sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak para sa payo at tulong.
Pisikal na aktibidad at ang iyong anak
Gaya ng pagkain at insulin, malaki ang tungkulin ng pisikal na aktibidad sa pagkontrol ng asukal sa dugo ng iyong anak. Tumutulong ang pagiging aktibo na mabawasan ang dami ng glucose sa dugo ng iyong anak. Ngunit maaaring maging sanhi ang sobrang aktibidad na sobrang bumaba ang kanyang asukal sa dugo. Kaya mahalaga para sa iyong anak na suriing mabuti ang kanyang asukal sa dugo habang ginagawa ang aktibidad. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan upang matutunan kung paano dapat balansehin ng iyong anak ang aktibidad sa pagkain at insulin. Ipinapayo ng American Diabetes Association na magkaroon ng hindi bababa sa 60 minuto ng pisikal na gawain kada araw para sa mga bata at tinedyer na may diabetes.
Ang paaralan at ang iyong anak
Dapat makatanggap ang iyong anak ng tamang pangangalaga sa diabetes at suporta sa paaralan:
-
Upang makasiguro na natutugunan ang mga pangangailangan ng iyong anak, isulat ang kanyang plano ng pangangalaga sa diabetes. Kilala rin ito bilang isang 504 na plano. Sa pagsisimula ng taon ng paaralan, makipagkita sa mga guro at ibang tauhan ng paaralan ng iyong anak. Ipaliwanag ang plano ng paggamot ng iyong anak. Hikayatin ang iyong anak na palaging isuot ang kanyang medical alert ID.
-
Makipag-usap sa mga tauhan tungkol sa pangangailangan ng iyong anak na suriin ang mga lebel ng asukal sa dugo at magkaroon ng pagkain o mga inumin kung kinakailangan.
-
Isang tao sa paaralan ang kailangang magbigay o mamahala ng mga pagtuturok ng insulin ng iyong anak. Maaaring ito ay ang nars ng paaralan, kung mayroon.
-
Kakailanganin ng iyong anak na magdala ng isang kit ng mga supply para sa diabetes. Kasama rito ang mga supply sa pagsusuri, mga gamot, at asukal na mabilis ang bisa para sa mga emergency.
-
Ipaalam sa paaralan na maaari pa ring maging aktibo at sumali ang iyong anak sa lahat ng aktibidad ng paaralan.
-
Matuturuan ang iyong anak ng kanyang tagapangalaga ng kalusugan kung paano sabihin ang tungkol sa diabetes sa mga kaklase.
Diabetes at pagmamaneho
Mahalaga na ipaalam sa iyong tinedyer na may karagdagang responsibilidad ang pagmamaneho. Dapat suriin ng iyong anak ang kanyang asukal sa dugo tuwing bago magmaneho. Dahil nakaaapekto ang mababang asukal sa dugo sa kakayahan ng iyong anak na magmaneho. Dapat malapit sa iyong anak ang mga supply para sa asukal sa dugo (hindi sa trunk o upuan sa likod). Dapat na tumabi agad ang iyong anak at kumain ng mga carbohydrate na mabilis ang bisa kung makaramdam siya ng mga sintomas ng hypoglycemia (mababang asukal sa dugo). Makipagtulungan sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak upang tulungan ang iyong anak na matutunan ang pananatiling ligtas kapag nagmamaneho.
Diabetes at pakikipagtalik
Sensitibong paksa para sa maraming pamilya ang pakikipagtalik. Ngunit kapag mayroong diabetes ang iyong anak, may mga karagdagang paksa ang dapat talakayin. Maaaring magsanhi ng pagtaas o mabilis na pagbaba ng asukal sa dugo ang pakikipagtalik, gaya ng ibang pisikal na aktibidad. Maaaring maging lubhang mapanganib ang pagbubuntis para sa isang tinedyer na may diabetes. Ito ay dahil maaaring maging mapanganib para sa tinedyer at sa sanggol ang mataas na asukal sa dugo. Kaya kailangang malaman ng iyong anak ang mga panganib ng di-planadong pagbubuntis. Ang mataas na lebel ng asukal sa dugo ay maaari ding magpataas sa panganib na magkaroon ng mga STI (mga impeksiyon na naipapasa sa pakikipagtalik). Kung mahirap para sa iyo na talakayin sa inyong bahay ang pakikipagtalik, humingi ng tulong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak.
Paninigarilyo, pag-inom, at ilegal na droga
Talagang hindi ligtas ang paninigarilyo, kasama ang mga e-cigarette, pag-inom ng alak, at paggamit ng mga ilegal na droga sa mga batang may diabetes. Pakiusapan ang tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak na talakayin sa kanya ang kahalagahan ng paglayo sa mga substansyang ito. Dapat ka ring maging alerto sa mga senyales na naninigarilyo, umiinom, o gumagamit ng ilegal na droga ang iyong anak. Nangangahulugan ito na pagiging kasali sa kanyang buhay (tingnan ang “Pananatiling Kasali” sa ibaba). Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung sa palagay mo ay naninigarilyo, umiinom ng alak, o gumagamit ng ipinagbabawal na droga ang iyong anak.
Stress, burnout, at depresyon
Maaaring malaking trabaho ang pamamahala sa diabetes. Maaaring makaramdam kayo ng iyong anak ng pagkapagod o pagkapuspos. Maaari itong humantong sa burnout. Maaaring madalas na magkamali ang iyong anak sa pamamahala ng asukal sa dugo. Kung ikaw o ang iyong anak ay nakararamdam ng burnout, humingi ng tulong!
Isa pang resulta ng burnout ay maaaring ang depresyon. Maaaring maging isyu ang depresyon habang napagtatanto ng iyong anak na hindi na mawawala ang diabetes. Makipag-ugnayan kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung mapansin mo na ang iyong anak ay:
-
Nawawalan ng interes sa mga gawain
-
Lumalayo sa pamilya at mga kaibigan
-
Nagpapakita ng mga senyales ng pakiramdam na walang magawa o kawalan ng pag-asa
-
Labis matulog o masyadong maikling matulog
-
Nahihirapang mag-concentrate
-
Nagpapakita ng mga senyales ng pagpakapod, nerbiyos, o pagkabalisa
-
Madalas na umiiyak
Pananatiling kasangkot
Ang pinakamainam na paraan upang suportahan ang iyong anak ay ang pananatiling kasangkot sa kanyang buhay. Pinakamahusay sa pangangalaga sa diabetes ang mga preteen at tinedyer kapag sila ay tinutulungan ng mga magulang sa bawat hakbang. Makipagtulungan sa iyong anak upang makabuo ng plano ng pamamahala na umaangkop sa pamilya. Tulungan ang iyong anak na sundin ang plano sa pamamagitan ng pagganap bilang kanyang tagapagsanay. Kakailanganin ng plano ng pag-a-adjust kung minsan. Kaya manatiling may malapit na kaugnayan sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. At huwag mag-atubiling humingi ng payo kapag kailangan mo nito.
Upang matuto nang higit pa
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa diabetes, bisitahin ang mga website na ito: